
Kasunod ng matagumpay na bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Indian Prime Minister Narendra Modi, inanunsyo ng India ang pag-aalok ng libreng e-Visa para sa mga Pilipinong turista.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magpapasigla sa turismo at people-to-people exchanges, kasabay ng pagbabalik ng direktang biyahe sa himpapawid sa pagitan ng India at Pilipinas sa Oktubre 2025.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Pilipinas na magpatupad ng visa-free entry para sa mga Indian national simula Hunyo ngayong taon.
Malugod na tinanggap ni Pangulong Marcos ang inisyatiba at inimbitahan ang mas maraming Indian na bumisita sa Pilipinas.
“I thank Prime Minister Modi in turn for the introduction of a scheme to grant visa free of charge to Filipino tourists traveling to India,” aniya.
Bukod sa turismo, kinumpirma rin ng dalawang lider ang pagtutulungan sa pagpapalakas ng maritime security at kooperasyon sa Indo-Pacific, kabilang ang pagkilala sa papel ng India sa pagsagip sa mga Pilipinong seafarer na inatake ng Houthi rebels noong 2024.
Para sa dalawang bansa, mahalaga ang patuloy na pakikipagtulungan upang masiguro ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon at sa buong mundo. – VC