
Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nananatiling pasok ang inflation rate na 1.4% para sa buwan ng Abril ngayong taon sa inaasahan nitong inflation range na naglalaro mula 1.3% hanggang 2.1%.
Ayon sa BSP, nagpapakita lamang ito na patuloy na kontrolado ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sa kabila nito, patuloy na nakatutok ang pamahalaan sa mga bagay na maaaring makaapekto sa inflation sa bansa hanggang 2027.
Kaya naman binigyang-diin ng BSP ang pangangailangan na mabantayan ang posibilidad ng pagtaas muli sa presyo ng pamasahe, karne at kuryente.
Maaari namang magpabagal sa inflation ang mababang taripa sa inaangkat na bigas at ang inaasahang mas mahinang pandaigdigang demand.
Tinukoy din ng Monetary Board (MB) ang mga hamon sa labas ng bansa bilang dahilan sa posibleng pagbagal sa paglago ng lokal na ekonomiya at sa iba pang panig ng mundo.
Sa gitna ng banayad na inflation kasabay ang mga bagay na maaaring magpabagal sa lokal na ekonomiya, binuksan ng BSP ang posibilidad nang mas maluwag na patakaran sa pananalapi, kung saan maaaring bawasan pa ang interest rates upang manatiling masigla ang ekonomiya.
Samantala, tiniyak ng ahensya na dadaan pa rin ito sa mahigpit na pagsusuri batay sa datos at kalagayan ng bansa. – VC