Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nananatili sa tamang landas ang Pilipinas kaugnay sa pagkontrol ng inflation.
Ito ay matapos makapagtala ng 3.2% na average inflation rate para sa taong 2024, mas mabagal mula sa 6.0% noong 2023.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, tuluy-tuloy ang pamahalaan sa pagkakaroon ng mga inisyatiba upang mas mapabagal pa ang inflation ngayong 2025.
“Despite the risks we encountered throughout the year, our combined efforts to temper inflation have largely been successful. We will build upon this momentum as we commit to keep the inflation rate within our target range in 2025,” pahayag ni Balisacan.
Matatandaan noong Disyembre 2024, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 2.9% inflation rate sa bansa—mas mabilis nang bahagya kumpara sa 2.5% noong Nobyembre.
Ang pagbilis sa naturang datos ay bunsod ng mas mahal na presyo ng pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang langis.
Sa kabila nito, pinanatili naman ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang inflation target na 2.0% hanggang 4.0% mula 2024 hanggang 2028.
Binigyang-diin naman ni Balisacan na nananatili ang layunin ng pamahalaan na protektahan ang purchasing power ng mga konsyumer kasabay ng pagtitiyak sa food security sa bansa upang patuloy na maramdaman ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng matatag na ekonomiya. – VC