IBCTV13
www.ibctv13.com

Integrated State Media, kasangga ng katotohanan sa 2025 Midterm Elections – PCO chief

Ivy Padilla
64
Views

[post_view_count]

Photo by PTV

Tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na kakampi at sandigan ng katotohanan ang buong Integrated State Media (ISM), na pinamumunuan ng PCO, sa nalalapit na 2025 National and Local Elections sa Mayo 12.

Sa isinagawang dry-run para sa ‘Hatol ng Bayan 2025’ midterm election coverage ngayong Sabado, Mayo 10, sinabi ni Secretary Ruiz na handa na ang ISM para sa komprehensibong pagtutok sa halalan.

“Nandito po ang Integrated State Media para alamin ang katotohanan, dito—ito po ang sandigan ng katotohanan. We will be the vanguards of truth sa panahon ng eleksyon, ’yan po ang alay natin sa sambayanan,” ani Ruiz.

“Handang handa na po sila, tayo, yung pagsasama natin at pagkakaisa. Dito po natin makikita yung lakas na Integrated State Media,” dagdag pa niya.

Binanggit din ng kalihim na magiging katulong ng state media ang Philippine National Police (PNP) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para labanan ang fake news na maaaring makaapekto sa halalan.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang maayos, payapa at tapat na eleksyon para sa bansa.

Binubuo ang ISM ng People’s Television Network (PTV), Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC), Philippine Broadcasting Service (PBS), Philippine Information Agency (PIA), at Philippine News Agency (PNA).

Maaaring mapanood ang komprehensibong pagtutok ng state media sa eleksyon mula Lunes, 5:00 a.m. hanggang Martes, 2:00 a.m. sa telebisyon, radyo at digital platforms.