Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residente sa Negros Island mula sa tumitinding sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkang Kanlaon kasunod ng pagputok nito noong Disyembre 9.
Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, naaapektuhan nito ang air quality sa lugar na maaaring maging banta sa kalusugan ng tao gaya ng respiratory illnesses.
“The sulfur dioxide from the eruption has traveled towards the Panay area. The signal picked up means that the sulfur dioxide is quite intense,” saad ni Loyzaga.
Inihayag din ng kalihim na tanaw na sa atmosphere ang sulfur dioxide concentrations ng bulkan, batay sa satellite imagery na ibinahagi ng Korean Space Agency.
Kaugnay nito, maaaring maapektuhan ng naturang kemikal, kasama ang acidic ash mula sa eruption, ang mga water source kung kaya hindi rin ito ligtas para sa consumption at irrigation.
Sa ngayon, mahigpit itong binabantayan ng DENR kasabay ng pagsasagawa ng mga test para malaman kung mayroon ng water contamination habang nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa Office of Civil Defense (OCD) at local government units (LGUs) para sa paglikas ng mga residente sa lugar. – AL