Patuloy na maaapektuhan ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Northeast monsoon o ‘amihan’ ang malaking bahagi ng bansa, ayon sa 4:00 a.m. weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, Disyembre 27.
Makakaranas ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao, Visayas, Palawan, Camiguin, Masbate, Catanduanes, Albay, at Sorsogon dala ng ITCZ.
Samantala, ang hilagang Luzon, partikular na ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Norte ay makakaranas din ng maulap na kalangitan at pabugsu-bugsong ulan dahil naman sa Amihan.
Sa kabila nito ay wala namang namumuong low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) maging sa Pacific Ocean ayon sa PAGASA.
Nagbigay babala naman ang weather bureau hinggil sa posibilidad ng flash floods o landslides dulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan. – AL