Niyanig ng dalawang magkasunod na lindol na nagtataglay ng magnitudes 5.3 at 4.9 ang bayan ng Jomalig, Quezon ngayong Miyerkules, Setyembre 4, bandang 7:16 a.m. at 7:55 a.m.
Batay sa earthquake bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naramdaman ang Intensity IV sa Polillo.
Naranasan din ang bahagyang pagyanig sa mga bayan ng Guinayangan, Alabat, Tagkawayan, Calauag, Panukulan, Lopez, at Gumaca pati na sa lungsod ng Makati.
Agad namang sinundan ng walong mahihinang pagyanig ang Jomalig na naglalaro mula magnitude 1.5 hanggang 3.2.
Patuloy na nakaantabay ang local disaster risk reduction management offices (DRRMO) para sa posibleng aftershocks sa mga naapektuhan ng lindol. -VC