Napababa na ang presyo ng bigas sa mga lungsod sa Metro Manila dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang programang ito ay isang inisyatiba na pinangunahan ng DA, mga lokal na dealer, importers, at wholesalers kasama ang suporta ng Philippine National Police (PNP).
Layunin nitong mamahagi ng abot-kayang bigas sa halagang P40 kada kilo, na may limitasyon na 25 kilo bawat tao.
Sa kasalukuyan, may mga retailer sa merkado ang nagbawas ng kanilang presyo upang makasabay sa mas mababang presyo na inaalok ng mga rolling stores.
Mas mura ng P3 hanggang P5 ang mga ibinibentang bigas sa Kadiwa kumpara sa mga ibinibenta sa merkado, na nagresulta sa pagtaas ng benta ng mga rolling stores.
Sa mga nakaraang operasyon, nakapagbenta ang EDSA Balintawak Market ng kabuuang 110 sako ng bigas; limang sakong bigas sa New Marulas Public Market, at 32 na sako naman sa Malabon Central Market sa murang halaga.
Katumbas ito ng 147 sako ng bigas sa abot kayang presyo.
Ang Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program ay muling nagpatuloy ngayong Disyembre 27 at inaasahang tatakbo hanggang sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang programa ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas at tiyakin ang sapat na suplay para sa mga mamamayan.
Sa kabila ng mga hamon, patuloy na nagtutulungan ang DA at iba pang ahensya upang mas mapabuti ang distribusyon at accessibility ng abot-kayang bigas para sa lahat. – VC