Ilan sa mga probinsiya sa Western Visayas ang hindi nakaligtas mula sa epekto ng ashfall na ibinuga ng Bulkang Kanlaon pasado alas-tres nitong Lunes, Disyembre 9.
Kabilang sa mga lalawigan na naapektuhan ng abo matapos mapadpad sa direksyong south southwest ang Guimaras, Iloilo at Antique.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nasa 26 na lugar mula sa tatlong probinsiya ang nakararanas ng pag-ulan ng mala-putik na abo mula sa bulkang Kanlaon.
Dahil dito, kinailangang magkansela ng mga klase sa iba’t ibang paaralan ang mga lokal na pamahalaan bilang precautionary measure mula sa panganib na dala sa kalusugan ng pagsabog.
Nanawagan naman si Negros Occidental Governor Bong Lacson sa publiko na sumunod sa utos ng mga awtoridad kaugnay sa paglikas sa kani-kanilang tahanan sakaling magkaroon muli ng malakas na pagputok sa bulkan.
Agad namang namahagi ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Western Visayas para sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna, gaya ng pagbibigay ng food packs at iba pang ayuda habang sila ay nasa evacuation centers.
Ngayong araw ay personal na bumisita si DSWD Rex Gatchalian sa probinsya upang kumustahin ang kalagayan ng mga apektadong pamilya at matiyak na sapat ang dumarating na tulong ng pamahalaan alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pinakahuling datos ng ahensya, nasa kalahating milyong pisong halaga na ng assistance ang ipinamahagi sa anim (6) na libong indibidwal at mayroon pang P133-milyong halaga ng resources ang lokal na pamahalaan.
Kasalukuyang nakataas sa Alert Level 3 ang bulkang Kanlaon dahil sa inaasahang pagpapatuloy ng aktibidad nito. – DP/VC