Ibinigay ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang suporta ng buong House of Representatives para sa adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na panatilihing mababa ang presyo ng mga pagkain.
Kasunod ito ng pagbagal ng antas ng inflation para sa buwan ng Agosto 2024 na lumapag lamang sa 3.3%, 1.1% na mas mababa sa inflation rate nitong Hulyo 2024 o katumbas ng 4.4%.
“We will help the President by approving pieces of legislation and exercising our oversight power to keep prices down, untangle bottlenecks in the distribution chain that push prices up and to expose abusive practices like hoarding and price manipulation,” saad ng House of Representatives leader.
Ayon kay Romualdez, normal ang pagtaas ng inflation tuwing Hulyo at Agosto dahil ito ang simula ng tag-ulan kung saan mas mahirap para sa mga producers at distributors na mag-angkat ng mga produkto.
Bumaba lamang aniya ito ngayong taon dahil sa matagumpay na intervention measures na isinagawa ng gobyerno gaya ng pagbebenta ng bigas sa mga Kadiwa stores, at ang pagbawas ng taripa sa mga imported na bigas.
Dagdag niya, ang inflation rate ngayong taon ay 2.3% na mas mababa kaysa sa 5.3% na inflation rate noong Agosto 2023.
Bagaman isang hamon para sa Kamara na mapanatili ang ganitong datos, tiniyak ng House Speaker na gagawin ng kanilang kapulungan ang lahat para mapabuti ang kapakanan ng mga mamamayan.
“Managing inflation is a see-saw battle. The challenge for us is to keep it falling, or at least steady. And with the executive and legislative branches and of course the private sector working together, I hope we succeed for the benefit of our people,” pagbibigay-diin niya. -VC