IBCTV13
www.ibctv13.com

Kamara, may handog na libreng sakay sa mga komyuter sa Bulacan at Quezon City

Kristel Isidro
285
Views

[post_view_count]

Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso project of the House of Representatives. (Photo courtesy of Office of the House Secretary General)

Inilunsad ng House of Representatives ang libreng sakay program para sa mga komyuter na bumibiyahe sa Bulacan at Quezon City, bilang bahagi ng pansamantalang hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Ang proyektong tinawag na “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso” ay pinangungunahan nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, na naglalayong direktang maramdaman ng publiko ang tulong ng pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng gastusin.

Sakop ng libreng sakay ang dalawang magkaugnay na ruta sa umaga, mula San Jose del Monte, Bulacan patungong Welcome Rotonda, Quezon City at babalik ng Fairview Terraces.

Sa ilalim ng programa, apat na bus ng Kamara ang bibiyahe sa mga nasabing ruta tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes, na nagsimula ngayong araw, Marso 26.

Aarangkada ang byahe sa peak hour na 5:30 a.m. hanggang 8:00 a.m. at susundan ng 4:00 p.m. hanggang 7:00 p.m.

Sa hapon at gabi naman, babalik ang biyahe mula Welcome Rotonda patungong Fairview Terraces at pabalik.

Itinakda ang iskedyul base sa oras ng dagsa ng mga pasahero, partikular ang mga manggagawa at estudyante na kadalasang nahihirapang makasakay sa pampublikong transportasyon.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), walang nakikitang hadlang sa pagpapatupad ng programa at hindi kinakailangan ng special permit dahil ang mga gagamiting sasakyan ay pagmamay-ari ng pamahalaan at hindi maniningil ng pamasahe sa mga pasahero.

Target na makinabang sa programa ang mga minimum wage earner, manggagawa, at mga estudyante mula sa mga pampublikong paaralan at State Universities and Colleges (SUCs), habang bibigyang-prayoridad din ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).

Pansamantala lamang ipatutupad ang programa habang nananatiling mataas ang presyo ng langis at patuloy na nararamdaman ng publiko ang bigat ng tumataas na gastusin sa transportasyon. – VC