Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang 54-anyos na si Yang Jianxin (a.k.a Antonio Lim) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bandang 8:30 ng gabi nitong Huwebes, Setyembre 19.
Si Jianxin ay nakatatandang kapatid ni 2018 Presidential economic advisor Michael Yang, panahon ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Sa pagtutulungan ng fugitive search unit (FSU) at intelligence division (ID) ng BI at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), naharang si Jianxin sa isang Cebu Pacific flight mula Cagayan de Oro.
Nahaharap sa deportation case si Jianxin dahil sa umano’y ‘misrepresentation’ ng kanyang sarili bilang isang Pilipino at ‘falsification of information’ tungkol sa Securities and Exchange Commission (SEC) certificate ng kanyang kumpanya na Phil Sanjia Corporation.
Nagsampa rin ng reklamo ang mga empleyado ng nasabing kumpanya dahil sa hindi paghuhulog ng kanilang Social Security System (SSS), PAG-IBIG, at PhilHealth contributions.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PAOCC si Jianxin habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang mga kinakaharap na kaso.
Ayon kay BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado, sakaling mapatunayang ‘guilty’, mahaharap ito sa ‘deportation’ at ‘ blacklisting’.
Matatandaang inuugnay din ang naturang indibidwal sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa. -VC