IBCTV13
www.ibctv13.com

Karagdagang 103 modernong PUV stops sa buong bansa, itinatayo na ng DOTr

Kristel Isidro
102
Views

[post_view_count]

The modern public utility vehicle (PUV) stop equipped with a bicycle repair station, charging station, solar panels, lighting fixtures, benches, and safety bollards in Brgy. Concepcion Uno, Marikina City. (Photo courtesy of DOTr)

Sa layuning mapabuti ang karanasan at kaligtasan ng mga pasahero, itinatayo na ng Department of Transportation (DOTr) ang karagdagang 103 modernong public utility vehicle (PUV) stops sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Alinsunod ang proyekto sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtayo ng mas maayos na pasilidad para sa mga komyuter.

Ayon kay DOTr Secretary Banoy Lopez, layunin ng programa na mabigyan ng ligtas at komportableng waiting area ang mga pasahero, kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs) at mga estudyante.

“Ramdam natin ang hirap ng mga komyuter lalo na kung mainit o umuulan at naghihintay sila ng sasakyan. Kaya nagtatayo tayo ng karagdagang modern PUV stops sa iba pang lugar sa bansa dahil ang bilin ng Pangulo ay gawing ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero,” ani Lopez.

Sa kasalukuyan, nakapagtayo na ang DOTr ng 24 modernong PUV stops sa mga sumusunod na lugar:

– Marikina City
– Manila City
– Malabon City
– Quezon City
– Kalibo, Aklan
-Malay, Aklan

19 na PUV stops naman ang kasalukuyan pang ginagawa sa Muntinlupa City at Iloilo, habang nakalaan na rin ang pondo para sa pagtatayo ng 84 pang karagdagang PUV stops sa:

-Palayan City, Nueva Ecija
-Science City of Muñoz, Nueva Ecija
-Zamboanga
-Quezon City
-Calapan City
– Cebu City
– Mandaue City

Hindi tulad ng mga karaniwang PUV stop, ang bawat modernong hintuan ng mga PUV ngayon ay may mga upuan, closed-circuit television (CCTV) cameras, ilaw, konkretong bollard, tactile pavement para sa mga may kapansanan, charging station, solar panels, at bike repair station.

Inaasahan ng DOTr na sa pamamagitan ng modernong PUV stops ay mas magiging ligtas, episyente, at komportable ang araw-araw na pagbyahe ng milyun-milyong komyuter sa bansa. – MP