
Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang pagdaragdag ng 300 public utility buses (PUBs) na makakadaan sa rutang Sapang Palay–Commonwealth–East Avenue–Internal Road–NIA Road upang mapagaan ang biyahe ng mga commuter, lalo na ng mga senior citizen at Persons with Disability (PWD).
Ayon sa kalihim, tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis at maginhawa ang pampublikong transportasyon.
“Kailangan itong gawin para hindi napakalayo ng nilalakad ng mga pasahero, lalo na kung lilipat sila ng sakayan papuntang MRT-3,” paliwanag ni Lopez.
Kaugnay nito ay nag-isyu na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 268 na mga special permit na magpapahintulot sa pagdaan ng mga PUB na biyaheng Sapang Palay sa NIA Road.
Ipinag-utos na rin ni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtatalaga ng mga enforcer sa NIA Road upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
Titiyakin naman na tatlong minuto lamang na hihinto ang mga bus upang magsakay ng mga pasahero at ipagbabawal din ang pagtatambay o paggamit ng busina upang maiwasan ang abala sa mga residente at opisina.
Simula ngayong Oktubre, papayagan ang mga bus na dumaan sa NIA Road tuwing rush hours (4:00–8:00 AM at 5:00–8:00 PM), na maaaring palawigin depende sa magiging resulta ng implementasyon sa susunod na buwan. –AL