
Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang karagdagang 500,000 senior citizens bilang benepisyaryo para sa Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ngayong 2026 ayon kay Secretary Rex Gatchalian.
Kasunod ito ng pagtaas ng pondo ng ahensya na umabot sa P264.45 bilyon para sa taong ito mula sa P215.8-B noong nakaraang taon.
May nakalaan na P51.8-B halaga ng pondo para sa social pension program ng DSWD mula sa dating P49.8 bilyon.
Sa ilalim ng programang ito, prayoridad ng ahensya ang mga higit na nangangailangan ng tulong sa populasyon ng senior citizens kabilang na ang mga may iniindang sakit, kawalan ng pensyon mula sa kahit na anong insurance system gaya ng SSS at GSIS, walang regular na pinagkakakitaan, at walang suportang natatanggap mula sa kanilang mga pamilya.
Makatatanggap ng P1,000 na stipend kada buwan ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa dating P500.
Layon ng pagpapalawak ng programang ito na tulungan ang mga nakatatandang miyembro ng komunidad pagdating sa pinansyal na aspeto upang tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at gamot. – VC











