Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang karagdagang pondo para sa malawakang planting, replanting at fertilization program ng industriya ng niyog sa fiscal year (FY) 2025, sa isang sectoral meeting nitong Martes, Agosto 27.
Kabilang dito ang panukala ng Philippine Coconut Authority (PCA) na itaas ang fertilization program budget sa P2.5 bilyon sa FY 2025, gayundin ang P1 bilyong karagdagang pondo para sa planting at replanting program na magbibigay-daan sa pagtatanim ng 15.3 milyong puno sa parehong taon.
Ang pag-aprubang ni Pangulong Marcos Jr. sa panukalang ito ay tugon sa kanyang direktiba noong Oktubre 2023 para sa detalyadong plano tungo sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa.
“So that’s why I’m focusing on the production side, and that’s what we have to increase. The critical part of that is the replanting,” saad ng Pangulo.
Nakaangkla ito sa Philippine Coconut Industry Development Plan 2024-2034 (PCIDP 2024-2034), layon ng Philippine Coconut Industry na layong makapagtanim ng 100 milyong coconut seedlings sa 700,000 ektarya ng lupain sa buong bansa pagsapit ng 2028.
Makatutulong ito sa pagkamit ng 4.7 bilyong produksyon ng niyog na nagkakahalaga ng P33.1 bilyon sa 2034.
Ngayong taon, plano ng PCA na magtanim ng 8.5 milyong seedlings, na susundan ng 15.3 milyon sa 2025, at 25.4 milyon taun-taon mula 2026 hanggang 2028.
“That’s why we still maintain our very high position in terms of coconut products exports because despite the fact that we have neglected the coconut industry over so many years, we still, I think we’re number one pa rin,” pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos Jr.