
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) na agarang tugunan at patatagin ang suplay ng kuryente sa bansa, partikular sa Luzon at Visayas, kasunod ng mga naranasang power disruptions at kakulangan sa suplay sa ilang lugar kamakailan.
Sa isinagawang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng ahensya nitong Martes, Hunyo 2, kabilang sa mga direktiba ng Pangulo ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente upang mapataas ang produksyon ng enerhiya, pagpapalawak ng transmission network, at pagpapatupad ng mga hakbang upang maresolba ang mga problemang nagpapabagal sa konstruksyon ng submarine cables at transmission lines.
Pinagtuunan din ng pansin ng Pangulo ang kalagayan ng mga proyekto at kasalukuyang inisyatiba ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Inatasan naman niya ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng performance review sa NGCP upang matiyak na natutupad nito ang mga nakatakdang obligasyon at proyekto.
Napag-usapan pa sa pagpupulong ang pagpapahusay ng transmission system at mabilis na pagpapaunlad ng renewable energy sa bansa bilang bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng enerhiya.
Matatandaang inilagay ang Luzon at Visayas grids sa ilalim ng red at yellow alerts noong nakaraang buwan.
Nakaranas din ng system-wide blackout ang Palawan Main Grid, habang patuloy na nararanasan sa Catanduanes ang rotational brownouts dahil sa mga isyu sa power supply.
Batay sa ulat ng DOE as of May 29, 2026, may tinatayang 46 na araw na suplay ng fuel reserves ang bansa. – VC











