Dininig ng judicial department ang panawagan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ilipat mula sa Regional Trial Court (RTC) Capas, Tarlac patungong Valenzuela City RTC ang kaso ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang post, nagpasalamat si Sen. Tolentino sa RTC Tarlac Branch 109 sa paglipat ng kaso ng sinibak na alkalde alinsunod sa Republic Act 10660 o “An Act Further the Functional and Structural Organization of the Sandiganbayan”.
Kabilang sa inaasahang ililipat sa Valenzuela City RTC ang dalawang graft case ni Guo.
Matatandaang kinuwestiyon ni Tolentino ang RTC Tarlac na unang may hawak ng kaso ni Guo.
Sa ilalim ng batas, kapag nagsampa ng kaso ang Ombudsman, kailangan nasa labas ito ng judicial region kung saan nanunungkulan ang municipal mayor.
Ito ay upang maiwasan ang anumang impluwensya ng local official sa ginagawang imbestigasyon at paggulong ng kaso.
Aniya, hindi tama na sa RTC Region III isinampa ang kaso ni Guo dahil parehong hurisdiksyon ito ng Bamban kung saan dating naupo ang pinatalsik na alkalde.
Binigyang-diin ni Sen. Tolentino na dapat isampa sa pinakamalapit na korte ang kaso batay sa Circular 2112012019 ng Office of the Court Administrator.
“Within three days of the filing of the case, where the accused or one of the accused is a public official, when the case was filed she was still a mayor, the case will be forwarded to the nearest RTC of the nearest judicial region, from the judicial region where the official holds office,” saad ni Tolentino.
Sa iginuhit na mapa ng Senador, makikitang pinakamalapit na korte ang Urdaneta City, Pangasinan sa Region I. Gayunpaman, hindi ito posible dahil nauugnay kay Guo si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay.
Hindi rin aniya pwede ang Santa Fe sa Region II dahil masyado na itong malayo sa Capas.
Kaya sa suhestiyon ni Tolentino, ang pinakamalapit aniya na korte ay ang RTC Valenzuela City sa Metro Manila na 95 hanggang 100 kilometro ang layo mula sa Capas, Tarlac.
Nananatili pa rin sa kustodiya ng PNP sa Camp Crame, Quezon City si Alice Guo habang nagpapatuloy ang pagdinig sa mga kinahaharap na kaso.
Nakatakdang isagawa ang ikalawang pagdinig ng Senado sa Guo case sa susunod na Martes, Setyembre 17. -VC