IBCTV13
www.ibctv13.com

Katuparan ng P20 bigas program, resulta ng reporma sa agrikultura at paglaban sa rice smuggling – PBBM

Michael Peronce
104
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. spearheaded the launching of a “Benteng Bigas Meron Na!” outlet in Bacoor City, Cavite. (Photo courtesy of PIA)

Itinuturing na susi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa matagumpay na pagsasakatuparan ng programang “Benteng Bigas Meron Na!” sa maraming lugar sa bansa ang naging reporma ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at mas pinalakas na kampanya kontra iligal na pag-aangkat ng bigas.

Ang pahayag ni Pangulong Marcos Jr. ay tugon sa mga kritisismo kaugnay sa pagpapatupad ng abot-kaya ngunit dekalidad na bigas.

Paliwanag ng Pangulo, kinailangan munang tugunan ng pamahalaan ang mga hamon sa agrikultura tulad ng pagpapataas sa produksyon ng palay at pagtitiyak sa matatag at sapat na suplay nito, bago tuluyang maibaba ang presyo ng bigas sa ipinangakong P20 halaga.

“Ang key diyan ay ’yong production. Kaya panay patayo namin ang irrigation. Ang dami naming dam na ginawa. Ang dami na naming pinamigay na makinarya. Noong 2023, ang ani ng palay sa Pilipinas ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa. Nalampasan pa iyon noong 2024,” ayon sa Pangulo.

Kabilang sa itinurong dahilan ng punong ehekutibo upang hindi agarang mapababa ang presyo noon ng bigas ay ang malawakang katiwalian sa pag-aangkat nito na kinasangkutan mismo ng ilang opisyal ng gobyerno, dahilan upang makaapekto rin sa kapakanan ng magsasakang Pilipino.

“Ang katotohanan, ang nakita namin, ang pang-control doon sa presyo ng bigas ay ang smuggled na bigas. Kaya nag-hoard. At hindi na iniintindi, basta puro ang import natin. Dahil ang nag-e-smuggle, mga opisyal din ng gobyerno. Kumikita sila,” paliwanag ng Pangulo.

Dagdag niya, matapos mapigilan ang rice smuggling kabilang na ang pagsalakay sa iba’t ibang bodega ay nabawasan din ang suplay ng bigas na nagresulta sa pagsasagawa ng reporma ng National Food Authority (NFA).

“Lahat ’yan, ’yong changes na ganyan, hindi ganoon kasimpleng gawin. May batas na kailangang palitan, may mga taong kailangang palitan, ibang konsepto na. So ngayon lang namin nabuo,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaang inilunsad ng administrasyong Marcos Jr. ang P20 rice program na isang pambansang inisyatiba para sa paghahatid ng mura ngunit dekalidad na bigas sa maraming pamilya at manggagawang Pilipino. – VC