IBCTV13
www.ibctv13.com

Kilalanin si Cong. Bojie Dy, ang bagong House Speaker ng 20th Congress

Hecyl Brojan
199
Views

[post_view_count]

25th House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III. (Photo from Dy)

Sa pagbibitiw ni dating House Speaker Martin Romualdez ngayong araw, Setyembre 17, umakyat si House Deputy Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III, representante ng 6th District ng Isabela, bilang ika-25 lider ng House of Representatives sa botong 253.

Si Dy ay kilala sa halos tatlong dekada sa serbisyo publiko sa Isabela, na nagsimula bilang Mayor sa Cauayan City noong 1992 hanggang 2001.

Sunod siyang nanilbihan bilang Congressman ng 3rd District ng Isabela noong 2001 hanggang 2010, at naging Gobernador sa kaparehong lungsod noong taong 2010 hanggang 2019 bago maglingkod bilang Vice Governor sa taong 2019 hanggang sa kasalukuyang taon.

“Matapos ang ilang dekadang paninilbihan bilang lingkod-bayan mula Kabataang Barangay hanggang gobernador ng Isabela, inakala ko na ang susunod na yugto ng aking buhay ay para sa aking pamilya. Ngunit ibang daan ang inilatag ng ating Panginoon,” bahagi ng talumpati ni Speaker Dy.

Sa ginanap na 2025 midterm elections, bumalik siya sa Kongreso bilang kinatawan ng bagong 6th District, at nakapagsumite ng 25 panukala at resolusyon sa 20th Congress, kabilang ang pagsusuri sa pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge.

Naging miyembro rin si Dy ng iba’t ibang political parties sa mga nagdaang taon kabilang ang Nationalist People’s Coalition (2016), Partido Demokratiko Pilipino (2019 at 2022), at Partido Federal ng Pilipinas (2025) na partido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng kanyang liderato, ipinangako ni Dy ang kooperasyon ng Kamara sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin ang pamahalaan upang makabangong muli at sa pagsusulong ng isang Bagong Pilipinas na “matatag, marangal, at nagkakaisa!”

Tiniyak din niya ang buong kooperasyon ng Kamara sa imbestigasyon ng Independent Commission of Infrastructure.

“Ako po ay kaisa ng ating mahal na Pangulo sa kanyang layunin na linisin ang pamahalaan upang tayo ay bumangon muli. Under my leadership, this House will change. I will not defend the guilty. I will not shield the corrupt,” ani Dy.

“Gaya ng paninindigan ng ating Pangulo—No rank, no ally, no office will be spared from accountability. We must strengthen the Oversight Committee and fully cooperate with the Independent Commission of Infrastructure. Our duty is not to protect each other – our duty is to protect the Filipino people,” dagdag niya. –VC

Related Articles