Kumita ng P109.7 bilyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Setyembre, halos limang beses na mas mataas kumpara sa P22.3-B sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pagtaas na ito ay dahil sa mas mataas na kita mula sa interes.
Batay sa paunang datos, ang kabuuang kita ng BSP, na pangunahing nagmumula sa interes sa mga foreign investments, government securities, at treasury bonds, ay umangat ng 55.7% o katumbas ng P244.3-B mula sa dating P156.9-B noong nakaraang taon.
Ang interest earnings ay tumalon ng 24% o P179.1 bilyon mula P144.2 bilyon habang ang kita mula sa iba pang aktibidad ay umakyat ng limang beses, mula P12.8 bilyon patungong P65.2 bilyon.
Bumaba naman ang kabuuang gastos ng BSP ng 11.3%, mula P182.4 bilyon patungong P161.8 bilyon kasunod ng tumaas na interest expenses patungong P125.6 bilyon mula P123.9 bilyon Samantala, 38% naman ang ibinaba ng iba pang gastusin.
Nakapagtala rin ang BSP ng net gain na P82.5 bilyon mula sa mga foreign exchange fluctuations sa unang siyam na buwan, pambawi sa P25.4 bilyon na nawala noong nakaraang taon.
As of September, umabot na sa P267.8 bilyon ang net worth ng BSP o katumbas ng 95.5% na pagtaas mula sa P137 bilyon noong nakaraang taon.
Bagaman bumaba ang net income ng BSP noong 2023 kumpara sa mga nagdaang taon dahil sa pagtaas ng interest expenses, patuloy pa rin ang pagtaas ng kabuuang kita nito na umabot sa 26.6%.
Ang pagtaas ng kita ay pangunahing dulot ng mas mataas na interes mula sa international reserves at foreign securities, na nagsisilbing suporta para sa pagpapatuloy ng operasyon at serbisyo ng BSP para sa mga Pilipino. – VC