Inanunsyo ni Senate President Chiz Escudero na sasangguni siya sa mga kasamahan sa Senado kaugnay sa gagawing imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ay upang matiyak na patas at walang kikilingan ang gagawing pagsisiyasat sa isyu.
Ang desisyon ni Escudero ay kasunod ng inihaing Senate Resolution No. 1217 ni Senator Bong Go na layong ipahawak sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa pangunguna ni Senator Bato Dela Rosa, ang pagdinig.
“Nakausap ko na si Senator Bato kaugnay n’yan at sinabi ko sa kanya na anumang imbestigasyon na nais niya patungkol sa kanya mismo at kay Senator Go ay mas maganda siguro kung hindi sila ang manguna sa komiteng iyon para walang alegasyon na ito ay personal at hindi impartial, hindi fair,” saad ni Escudero.
Kabilang sa tinitingnang opsyon ni Escudero ang pagpapahawak nito sa Committee on Whole.
“Option ang Committee of the Whole, pero tinitignan ko rin ang ibang komite na pwedeng mag-handle nito maliban sa komite ni Senator Bato,” saad ni Escudero.
Posible rin humawak sa hearing ang Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano dahil ito lamang ang komiteng maaaring mag-motu propio investigations kahit nasa recess ang Kongreso ayon kay Escudero.
Tinitingnan din ni Escudero ang Senate Committee on Justice and Human Rights sa pangunguna ni Minority Leader Koko Pimentel kung saan pwedeng isagawa ang pagdinig sa oras na magpatuloy ang sesyon ng Kongreso sa susunod na buwan.
Gayunman, tiniyak ni Senate President Escudero na papayagan ang mga nadadawit na Senador na ipagtanggol ang kanilang sarili.
“May karapatan ang isang inaakusahan na harapin ‘yung tumetestigo laban sa kanya. Karapatan ‘yon at hindi ‘yon pwedeng alisin,” pagbibigay-diin ni Escudero. -VC