
Mas mapapalawak na ang access ng publiko pagdating sa notarial services matapos ilunsad ng Supreme Court ang electronic notarization sa buong bansa ngayong Lunes, Oktubre 19, upang mabawasan din ang pangangailangan ng pisikal na pagtungo sa mga tanggapan.
Sa ilalim ng bagong sistema, layuning gawing mas madali ang pagkuha ng notarial services sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya, bilang alternatibo sa tradisyonal na notarization na karaniwang isinasagawa sa itinakdang territorial jurisdiction ng isang notary public.
Kabilang sa mga unang accredited electronic notary public facility provider ang NotarizeT ng Unawa, Tiwala ng Ohelio, at QLegal ng Quanby Solutions.
Inilunsad ang e-notarization kasunod ng pag-apruba ng Korte Suprema noong 2025 sa mga panuntunan para sa e-notarization at sa mga alituntunin sa akreditasyon ng mga electronic notary public facility provider.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Benjamin Caguioa, isa sa mga nagtulak sa digitalisasyon ng notarization services ang mga suliraning naranasan ng publiko sa pag-access ng mga serbisyo ng pamahalaan noong COVID-19 pandemic.
Inaasahang higit na makikinabang sa inisyatiba ang mga mamamayang nahihirapang magtungo sa mga tanggapan dahil sa layo ng kanilang tirahan.
Samantala, sinabi ni Caguioa na sinimulan na rin ng Korte Suprema ang pakikipag-usap sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapalawak ang serbisyo ng e-notarization para sa mga overseas Filipino worker (OFWs).
Kapag naisakatuparan, inaasahang mas mapadadali rin nito ang pagkuha ng notarial services ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa nang hindi na kailangang umuwi sa Pilipinas para lamang sa naturang serbisyo. – MP











