Hindi sinang-ayunan ng Supreme Court (SC) ang pagpapataw ng multa ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunication companies nang hindi dumadaan sa due process.
Sa inilabas na ruling nitong Biyernes, Setyembre 6, binigyang-diin ng SC Second Division na kailangan pa rin ng due process sa mga administrative proceedings.
“The regulatory power of administrative bodies such as the National Telecommunications Commission does not give it unbridled permission to impose rates without giving telecommunications companies an opportunity to air out their grievances or seek reconsideration,” nakasaad sa ruling.
Matatandaan noong 2009, ipinatupad ng NTC ang ‘six-second-per-pulse unit’ bilang default billing para sa voice call.
Bago ito, ‘by the minute’ lamang ang singil na charge ng telecommunication companies sa mga subscriber.
Ibig sabihin, kahit hindi magamit ang buong isang minuto sa voice call ay awtomatikong pagbabayarin ang user na katumbas pa rin ng isang minuto.
Nagbaba kalaunan ang NTC ng ‘show cause orders’ laban sa mga telcos na hindi sumunod sa kanilang ipinatupad na default billing kasabay ng paglalabas ng ‘cease and desist orders’ upang tuluyang pagbawalan ang telcos na magpatupad ng lumang singil sa kanilang subscribers.
Dahil dito, naghain ang telcos ng petisyon sa Court of Appeals (CA) na ngayon ay kinatigan ng Korte Suprema. -VC