
Magandang balita para sa mga kabataang lider ng bansa dahil simula Oktubre 4, inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na kwalipikado nang magkaroon ng civil service eligibility ang mga Sangguniang Kabataan (SK) official na nakatapos ng buong tatlong taong termino.
Batay sa CSC Resolution No. 2500752, o ang Rules Governing the Grant of Eligibility to SK Officials (SKOE), ang karapatan ay ibibigay bilang pagkilala sa malaking ambag ng kabataan sa pagpapatakbo ng pamahalaan at sa pagpapatuloy ng nation-building.
“This privilege, granted exclusively to duly elected and appointed SK officials, recognizes the vital role of the youth in nation-building and affirms their contributions to public service,” saad ni CSC Chairperson Marilyn Yap.
Sakop ng Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE) ang mga nahalal at naitalagang SK officials na nakapagsilbi ng buong termino o katumbas nito. Kasama rito ang mga SK members, secretaries, at treasurers na hinirang ng SK chairperson at inaprubahan ng karamihan ng miyembro.
Ang eligibility na ito ay maaaring gamitin sa first-level positions sa civil service — gaya ng administrative assistant, human resource aide, o project development officer — maliban na lamang sa mga posisyong nangangailangan ng board exam o espesyal na kwalipikasyon.
Gayunpaman, nilinaw ng CSC na ang mga SK chairpersons ay sakop pa rin ng Barangay Official Eligibility (BOE) at hindi ng SKOE dahil kabilang sila sa mga itinuturing na barangay officials sa ilalim ng batas.
Ayon sa CSC, maaaring mag-apply para sa SKOE ang mga:
- Nahalal o naitalagang SK officials na nakatapos ng buong tatlong taong termino o katumbas nito;
- Hindi kaanak (hanggang second degree of consanguinity o affinity) ng anumang kasalukuyang halal na opisyal sa kanilang lugar;
- At nasa mabuting katayuan o in good standing habang nanunungkulan.
Maaari nang magsumite ng aplikasyon simula Oktubre 4, 2025 sa CSC Regional Office na may hurisdiksyon sa barangay kung saan sila nagsilbi, o sa pinakamalapit na CSC Field Office.