Hindi lang sa sports at medalya pinalad ang ilang mga atletang pambato ng iba’t ibang bansa sa multi-sports event na Paris 2024 Olympics, kundi pati na rin sa ‘love.’
Ika nga ng netizens, “Paris ain’t called the City of Love for nothing.”
Bukod sa pambihirang talento sa palakasan, bumida rin kasi sa kompetisyon ang ilang kwentong pag-ibig ng mga manlalaro.
Isa na rito ang karanasan ng tennis mixed doubles partner na sina Kateřina Siniaková at Tomáš Macháč na dating magkasintahan at napagdesisyunang maghiwalay bago ang Olympics.
Pinili ng dalawang atleta mula sa Czech Republic na maging propesyunal para sa kompetisyon ngunit matapos manalo sa laban, nagawa pa nilang magpalitan ng mahihigpit na yakap at halik bilang pagdiriwang sa kanilang pagkapanalo.
Samantala, ‘atypical proposal’ naman ang hatid ni French runner Alice Finot dahil siya mismo ang lumuhod at nag-alok ng wedding proposal sa kanyang long-time partner at Spanish triathlete na si Martínez Bargiela.
Ayon kay Finot, naging sign niya para sa proposal ang pagtakbo sa loob ng siyam na minuto na bukod sa ito ang kanyang lucky number, siyam na taon na rin silang magkasintahan ni Martínez.
“I told myself that if I ran under nine minutes, knowing that nine is my lucky number and that we’ve been together for nine years, then I would propose,” kwento ni Finot.
Bagaman nagtapos sa fourth place ang babaeng atleta, hinirang ito bilang record holder sa women’s 3,000 steeplechase sa Europe.
Pagdating naman sa galing sa high jumping, nagpamalas din ng kanyang sweet at poetic side ang Italian athlete na si Gianmarco Tamberi na idinaan sa tula ang paghingi ng tawad para sa pagkawala ng kanyang wedding ring matapos mahulog sa Seine River.
“I think there might be a huge poetic side to yesterday’s misdeed, and if you want, we’ll throw yours into that river, too, so they’ll be together forever, and we’ll have one more excuse to, like you’ve always asked, renew our vows and get married to new,” bahagi ng apology letter ni Tamberi sa kanyang Instagram post para sa minamahal na asawa.
Diretso sa trophy naman ang World’s No. 1 Pole Vaulter na si Armand Duplantis ng Sweden dahil matapos nitong makuha ang bagong world record na 6.25 meters sa pole vault, agad itong tumakbo patungo sa social media star na girlfriend upang gawaran ng mahigpit na yakap at halik.
Sa pamamagitan ng isang video post, ipinagmalaki ng influencer na siya ay “forever biggest fan” ni Duplantis.
Patunay lamang ang mga kwentong ito na sa likod ng panalo ng bawat atleta, lahat ng determinasyon ay may pinagmumulang inspirasyon. -VC