
Tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes na ilalagay sa pambansang kabang bayan ang kita mula sa isusubastang pitong luxury vehicles nagkakahalaga ng mahigit sa Php103 milyon na pag-aari ng mag-asawang Pacifico at Cezarah Discaya—bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon.
“Bilang tugon sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na maibalik ang pera ng taumbayan mula sa mga maanomalyang flood control projects, sinimulan na kaninang umaga ang pag-auction sa pitong mamahaling sasakyan ng mga Discaya na nakumpiska sa Bureau of Customs (BOC),” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
“Ayon sa BOC, sa pangunguna ni Commissioner Ariel Nepomuceno, makakaasa ang taumbayan na lahat ng proceeds mula sa auction ay agad na iri-remit sa national treasury. Ibig sabihin, buong-buo na maibabalik ang pondo sa kaban ng bayan,” diin ni Castro.
Isinusubasta ang nasabing mga luxury vehicles ng Bureau of Customs (BOC) sa South Harbor, Port Area, Maynila, bilang patunay ng seryosong paninindigan ng Pangulo na hindi palalampasin ang mga ilegal na gawain sa pamahalaan at pananagutin ang mga tiwaling opisyal.
Sinabi ni Castro batay na rin sa pahayag ng BOC, ang pagsubasta ang unang hakbang sa pagbawi ng mga ninakaw na pondo ng gobyerno.
Dagdag pa rito ang ginagawang imbestigasyon sa 14 pang construction companies.
“Mahigit tatlong buwan pa lang simula nang paimbestigahan ni Pangulong Marcos Jr. ang isyu ng korapsyon, may nakikita nang resulta ang taumbayan,” punto pa ni Castro.
“Isa itong patunay sa seryosong paghahabol ng Pangulo sa mga iligal na gawain ng mga korap sa pamahalaan.”
Una nang kinumpiska ng BOC ang mga sasakyan ng mga Discaya dahil sa mga iregularidad sa importasyon at dokumentasyon.
Kabilang ang mag-asawang Discaya sa mga pangunahing kontratista na nasangkot sa kontrobersiya sa flood control projects.
Kasama sa mga sasakyang isinailalim sa auction ang sumusunod: Toyota Tundra (2022), Toyota Sequoia (2023), Bentley Bentayga (2022), Rolls-Royce Cullinan (2023), Mercedes-Benz G500, Brabus (2019), Mercedes-Benz G63 AMG (2022), at Lincoln Navigator L (2021). | PND











