

Bilang pag-iingat kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na nakaapekto sa ilang bahagi ng Mindanao, inanunsyo ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) ang pansamantalang pagsasara ng limang branch nito sa South Cotabato at Sarangani ngayong Miyerkules, Hunyo 10.
Ayon sa LANDBANK, mananatiling sarado ang mga sumusunod na branch sa South Cotabato: Calumpang (GSC) Branch, General Santos–Pioneer Branch, at Koronadal Highway Branch.
Hindi rin magbubukas ang Alabel Branch at Glan Branch sa lalawigan ng Sarangani.
Nilinaw naman ng bangko na bukas at patuloy na nagbibigay-serbisyo ang lahat ng iba pang LANDBANK branches sa bansa.
Kaugnay nito, hinikayat ng LANDBANK ang mga kliyente na gamitin ang kanilang mga digital banking platform, kabilang ang Mobile Banking App, iAccess para sa mga indibidwal, at weAccess para sa mga corporate clients, upang maisagawa ang kanilang mga transaksyon habang pansamantalang sarado ang ilang sangay.
Para sa mga update, pinapayuhan ang publiko na bisitahin ang opisyal na website at social media pages ng LANDBANK. – VC











