Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na handa ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan para tumulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Disyembre 9.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo na prayoridad niya ang kaligtasan ng mga biktima kung saan sinabi nitong ile-’level up’ pa ng administrasyon ang pagtugon nila sa mga sakuna.
“We will step up. We will level up. Any escalation in damages and destruction will be met with a stronger government response,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
“Sa mga kababayan nating apektado ng pagputok ng Kanlaon, nandito po ang inyong pamahalaan na handang tumulong sa inyo. Kung gaano man katindi ang bangis ng bulkang ito, ganun din ang kalinga na aming ipapaabot,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga local government unit (LGUs) para ginagawang relief operations sa lugar.
Hindi bababa sa 45,000 mga residente ang inilikas mula sa six-kilometer radius danger zone ng bulkan kung saan target ng gobyerno na ma-evacuate ang nasa 84,000 mga apektadong indibidwal.
Una nang sinigurado ng lider na sapat ang family food packs (FFPs) at iba pang non-food items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inatasan na rin niya ang Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng appropriate funds para sa mga apektadong pamilya.
“Patuloy ding nakaalerto ang DOH laban sa mga sakit dulot ng volcanic ash, habang ang NDRRMC at Task Force Kanlaon ay naghahanda sa anumang maaaring mangyari,” saad ng Pangulo.
Naka-high alert ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa Negros ayon pa kayPangulong Marcos Jr.
“Susuong sila sa anumang paghamon na darating. Bago pa man sumabog ang bulkan ay pinaghandaan na ng ating NDRRMC at Office of Civil Defense ang pagtugon sa maaaring worst-case scenario,” pagtitiyak niya.
Tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang paglalabas ng advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kaugnay sa estado ng Kanlaon habang naka-alerto rin ang Task Force Kanlaon sakaling lumama pa ang sitwasyon ng bulkan. – AL