
Hindi naging dahilan ang malakas na ulan upang maudlot ang pamamahagi ng 10-kilong bigas sa Brgy. Karuhatan, Valenzuela City ng inisyatibang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ang inisyatiba ay may kabuuang 2,645 benepisyaryo sa lungsod, kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga miyembro ng Pederasyon ng mga Samahan para sa Pabahay at Kaunlaran sa Valenzuela (PESAPakava).
Isinagawa ang pamamahagi ng libreng bigas sa anim na magkakasabay na distribution sites sa iba’t ibang bahagi ng Valenzuela upang direktang maipaabot ang tulong sa mga residente, kung saan ang pangunahing distribusyon ay ginanap sa City Hall Amphitheater.
Bilang kinatawan ng Unang Ginang sa programa, ipinaabot ni San Juan City Mayor at Metro Manila Council President Francis Zamora ang mensahe ng suporta nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos para sa mga benepisaryo.
Nagpasalamat naman si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian sa pamahalaan sa pagpapatupad ng programa, na sinabi niyang malaking tulong sa mga higit na nangangailangang residente ng lungsod.
Ang mga benepisyaryong tumanggap ng bigas sa City Hall Amphitheater ay mula sa dalawang barangay ng ikalawang distrito ng Valenzuela City. Ito na ang ikalawang beses na tumanggap sila sa ilalim ng apat na tranche ng programa.
Ipamamahagi ang natitirang dalawang tranche sa mga susunod na linggo, kung saan 33 barangay sa Valenzuela ang inaasahang makikinabang.
Ayon kay PESAPakava President Boy Sabaulan, malaking ginhawa ang programa para sa maraming pamilya sa kanilang komunidad lalo’t hindi lang isang beses ito isasagawa.
“Malaking bagay talaga ito sa kanila dahil sila ang poorest of the poor. Hindi lang isang beses silang makakatanggap kundi apat na tranches ito, kaya nagpapasalamat sila sa First Lady,” ani Sabaulan.
Pinondohan ang rice assistance sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), kung saan ang Valenzuela LGU ay direktang binili ang bigas mula sa mga lokal na magsasaka bilang suporta sa sektor ng agrikultura.
Bukod sa pamamahagi ng bigas, may pa-raffle din para sa mga benepisyaryo mula sa First Lady. Kabilang sa papremyo ang mga sako ng bigas, rice cooker, gift checks na nagkakahalaga ng P2,500, flat-screen television, at digital boxes. – VC











