IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng prescription glasses, assisted devices sa PWD beneficiaries, handog ng PhilHealth sa 2025

Ivy Padilla
443
Views

[post_view_count]

Photo by PTV/File

Inanunsyo ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na libre na ang prescription glasses, wheelchair, saklay, at walker para sa mga miyembro ng Philippine Health (PhilHealth) Insurance Corp. na may kapansanan simula Enero 2025.

Nitong Miyerkules, Setyembre 18, nakipagpulong sina Rep. Tulfo at ACT-CIS Rep. Edvic Yap sa mga opisyal ng PhilHealth para hilingin sa ahensya na gawin nang libre ang mga nabanggit na gamit para sa mga miyembro.

Paglilinaw ni Tulfo, ang wheelchair, salamin, walker at saklay ang madalas hinihingi ng mga Pilipino sa mga mambabatas kung kaya’t ito rin ang kanilang inilapit sa ahensya.

“Gustong masiguro ng liderato ng Kongreso sa pamumuno si House Speaker Martin Romualdez na mababantayan natin ang kalidad ng kalusugan ng bawat Pilipino, dahil yan ang gustong mangyari ng administrasyong Marcos,” bahagi ng pahayag ni Tulfo.

Ayon kay PhilHealth President and CEO Mandy Ledesma, pipilitin nilang mabuo ang polisiya kaugnay sa mga libreng gamit sa persons with disabilities (PWDs) ngayong taon upang mapakinabangan na ng mga benepisyaryo pagsapit ng Enero.

“We will form a dedicated team to focus on evaluating the coverage of prescription eyeglasses and assisted devices. Hopefully and if warranted, we will issue the policies tentatively by yearend,” saad ni Ledesma.

Matatandaang kamaikailan lang nang itaas ng PhilHealth ang benefit package rate para sa hemodialysis mula P2,600 per session patungong P4,000 alinsunod sa kahilingan ng liderato ng Kongreso. -VC

Related Articles