
Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaguyod ang hustisya at kalinga sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), umani ng tagumpay ang mga programang pang-edukasyon at pangkabuhayan sa loob ng mga piitan.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), may 10,739 PDLs ang matagumpay na nagtapos ng elementarya at high school sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education (DepEd).
Bukod sa diploma, nakatanggap din sila ng time allowance for studying, teaching, and mentoring batay sa Republic Act 10592—bilang pagkilala sa kanilang sipag at pagnanais na magkaroon ng bagong buhay.
Samantala, 107 PDLs naman ang nagtapos ng kolehiyo sa ilalim ng Tertiary Education Behind Bars program sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education (CHED), habang 720 PDLs pa ang kasalukuyang naka-enroll sa iba’t ibang degree programs.
Pinalalawak pa ito ng BJMP sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kolehiyo at unibersidad upang mas marami pang makapagtapos ng mas mataas na edukasyon kahit nasa loob ng kulungan.
Kasabay nito, may 112,707 PDLs din ang sumailalim na sa iba’t ibang teknikal at pangkabuhayang pagsasanay, katuwang ang TESDA at iba pang kinauukulang ahensya at organisasyon.
Kabilang sa kanilang pagsasanay ay ang carpentry, electronics, welding, arts and crafts, at small-scale entrepreneurship. – VC