
Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang naramdamang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ngayong Lunes, Hunyo 8, ay bunsod ng paggalaw ng Cotabato Trench.
Natukoy ang epicenter ng lindol sa layong 32 km timog-kanluran ng Maasim, Sarangani at may lalim na 33 kilometro.
Sa huling datos, umabot na sa 138 aftershocks ang naitala ng PHIVOLCS kasunod ng pagyanig bandang alas-7:37 ng umaga.
Naitala ang Intensity VII sa General Santos City at Intensity VI sa mga bayan ng Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat, habang iniulat din ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at ilang lugar sa Visayas.
Kasunod ng lindol, nakapagtala ang PHIVOLCS ng tsunami waves sa ilang baybaying lugar sa Mindanao, kabilang ang 1.4 metrong taas ng alon sa Kiamba, Sarangani; 1 metro sa Maasim, Sarangani at Calamansig, Sultan Kudarat; at mas mababa sa isang metro sa Mati, Davao Oriental at Zamboanga City.
As of 3:19 p.m., inalis na ang tsunami warning sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ayon naman kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, maaaring magpatuloy ang mga aftershock sa mga susunod na linggo o buwan, habang nananatili ang banta ng pagguho ng lupa sa mga landslide-prone area lalo na kung susundan ng malalakas na pag-ulan ang lindol.
Pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na maging mapagmatyag sa mga susunod na aftershock at iwasang pumasok sa mga gusaling posibleng humina ang estraktura dahil sa lindol. – VC











