IBCTV13
www.ibctv13.com

Lisensya ng mga POGO, kanselado na sa Dec. 15 – PAGCOR

Ivy Padilla
169
Views

[post_view_count]

One of the Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs raided by Philippine National Police. (Photo by PNP)

Nakatakdang mawalan ng bisa ang lisensya ng mga natitirang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) pagsapit ng Disyembre 15 ngayong taon, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Inulat ko po sa Pangulo na sa Dec. 15, apat na raw po mula ngayon, kanselado na po ang lahat [ng lisensiya ng mga POGO],” saad ni PAGCOR Chairman and Chief Executive Officer Alejandro Tengco sa isang press briefing.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipasara ang lahat ng POGO sa bansa sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.

Nilinaw ni Tengco na hindi na papayagang mag-renew ng permit ang mga POGO sa susunod na mga taon.

“Wala pong mayroon [pang] lisensiya pagtungtong po ng Jan. 1, 2025,” pagbibigay-diin ni Tengco.

“So, kung mayroon pa diyang nagsasabi na sila ay nagpapatuloy na maghanapbuhay o [magconduct] ng operation dahil mayroon silang valid PAGCOR license, hindi po totoo ‘yun,” dagdag nito.

Sa datos ng PAGCOR, pitong (7) POGO nalang ang natitira na may aktibong lisensya mula sa higit 300 POGOs at Internet Gaming Licensee (IGLs) bago ipatupad ang nationwide ban.

“As we speak sa araw na ito, pito na lang po ang natitira. Sapagkat voluntary na po, dahan-dahan na pong sumusunod sila and requesting for cancellation of their respective licenses,” ani Tengco.

Sa parehong briefing, tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang malaking epekto sa ekonomiya ng bansa ang pagsasara ng mga POGO.

Ito ay sa kabila ng ulat ng PAGCOR na nasa P20-bilyong kita kada taon ang inaasahang mawawala sa tuluyang pagsasara ng POGOs.

“As per NEDA, .25 of 1 percent of total GDP (gross domestic product) ang maaapektuhan. We don’t see a significant dent sa economy natin,” saad ni Remulla. – VC

Related Articles