Labis ang pasasalamat ng Department of Education (DepEd) dahil sinagot ang kanilang panawagan na ipagpaliban muna ang bayad sa loan ng mga guro at non-teaching personnel matapos payagan ng mahigit 20 na financial institutions.
Ayon sa ahensya, magpapatupad ang 24 na financial institutions ng moratorium sa loan payment mula Enero hanggang Abril sa taong 2025.
Ang mga institusyong ito ay kinabibilangan ng DepEd Provident Fund, First Consolidated Bank, Manila Teacher’s Mutual Aid System, Inc., at iba pa.
Samantala, tatlong buwang moratorium naman ang ipatutupad ng Land Bank of the Philippines at Beneficial Life Insurance Company, Inc. Ang iba namang financial institutions ay magbibigay ng isang buwang moratorium.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng inisyatibang ito na magbigay ng “loan relief” sa mga guro at school personnel upang matulungan silang makabangon mula sa mga epekto ng nagdaang bagyo.
Ang hakbang na ito ay isang mahalagang suporta para sa mga guro at kawani ng paaralan, lalo na sa panahon ng krisis.
Sa kabila ng mga hamon, umaasa ang DepEd na makapagbigay ito ng kaunting ginhawa sa kanilang mga kasapi. – VC