Mataas ang tsansa na muling lumakas bilang isang Tropical Depression ang low pressure area (LPA) o ang dating bagyong Querubin sa susunod na 24 oras, batay sa 4:00 a.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes, Disyembre 19.
As of 3:00 a.m., huling namataan ang sama ang panahon sa layong 245 kilometro mula sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.
Sakaling maging ganap na bagyo, papangalanan muli itong Tropical Depression Querubin.
Ayon pa sa PAGASA, posible ang pagtataas ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) sa malaking bahagi ng Eastern Visayas at Caraga Region habang magpapatuloy ang babala ng malalakas na ulan sa bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Bandang 2:00 p.m. nitong Miyerkules, Disyembre 18, nang tuluyan nang humina bilang isang LPA ang bagyong Querubin.
Sa ngayon ay patuloy ang epekto ng Northeast Monsoon o Amihan sa malaking bahagi ng Luzon habang iiral pa rin ang Shearline sa silangang parte ng Southern Luzon at Visayas.
Hinihikayat naman ng PAGASA ang publiko na maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon. – AL