Isang low pressure area (LPA) ang nabuo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Biyernes, Oktubre 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 4:00 a.m., huling namataan ang sama ng panahon sa layong 2,040 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Ayon sa PAGASA, malabo itong mamuo bilang isang bagyo sa loob ng 24 oras at mababa lamang din ang posibilidad na pumasok ito sa PAR.
Samantala, patuloy namang nakakaapekto ang dalawang weather systems sa bansa.
Una na rito ang Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ) na magdadala ng pag-ulan sa bahagi ng Mindanao at Palawan, gayundin ang Easterlies na magdudulot ng mataas na tyansa ng ulan sa silangan ng Luzon.
Samantala, localized thunderstorms naman ang magdadala ng bahagyang maulap na kalangitan at pabugsu-bugsong ulan sa Metro Manila pati na rin sa iba pang bahagi ng bansa.
Patuloy na pinag-iingat ang mga residente mula sa mga apektadong lugar sa posibleng banta ng sakuna.