Katamtaman o ‘medium’ ang tsansa na muling lumakas bilang Tropical Depression ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong darating na weekend ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nauna na itong lumakas bilang isang Tropical Depression nitong Martes, Disyembre 17 na pinangalanang Querubin.
As of 4:00 a.m. ngayong Biyernes, Disyembre 20, huling namataan ang LPA sa katubigang bahagi ng Mahinog, Camiguin.
Ayon sa PAGASA, mataas ang tsansa na magdudulot ito ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, gayundin sa Palawan.
Posibleng maging bagyo ang nasabing sama ng panahon habang papalabas o sa labas mismo ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa ngayon ay patuloy na makakaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa hilagang Luzon at Shearline sa silangang bahagi ng Southern Luzon.
Makararanas naman ang iba pang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila ng maaliwalas na panahon ngunit hindi pa rin inaalis ang posibilidad ng maulap na kalangitan na may kasamang pabugsu-bugsong ulan dala ng Northeast Monsoon o Amihan.
Hinihikayat ang publiko na maging alerto at handa sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon. – AL