Isa nang ganap na Tropical Depression ang binabantayang low pressurea area (LPA) sa silangan ng Batanes na may local name na bagyong Julian, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 5:00 a.m. ngayong Biyernes, Setyembre 27, huling namataan ang bagyo sa layong 525 kilometro Silangan ng Itbayat, Batanes na may lakas ng hangin na nasa 55 km/h at pagbugsong umaabot sa 70 km/h.
Kumikilos ito pababa ng Southwest na may bilis na 15 km/h.
Ang Tropical Depression Julian ang ika-sampung (10) bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong 2024 at pang-anim na bagyo ngayong Setyembre.
Sa latest track ng PAGASA, inaasahang mananatili si Julian sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na limang (5) araw.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito bilang Tropical Storm sa susunod na 24 oras at maging Typhoon pagsapit ng Lunes at Martes.
Bukod sa bagyong Julian, patuloy ding mino-monitor ang isang LPA at Tropical Depression sa labas ng PAR.
Pagtitiyak ng PAGASA, hindi ito papasok sa loob ng PAR at makakaapekto sa anumang bahagi ng bansa.
Patuloy hinihikayat ang publiko na maging handa sa pagbabago sa lagay ng panahon. -VC