IBCTV13
www.ibctv13.com

LWUA, tiniyak na tuluy-tuloy ang suplay ng tubig sa mga apektadong komunidad ng lindol sa Mindanao

Kristel Isidro
90
Views

[post_view_count]

The Local Water Utilities Administration (LWUA) immediately activated monitoring, coordination, and emergency response mechanisms to ensure the continuity of water service delivery and facilitate the rapid restoration of affected systems. (Photo courtesy of LWUA)

Mabilis na umaksyon ang Local Water Utilities Administration (LWUA) upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig at mapabilis ang rehabilitasyon ng mga naapektuhang pasilidad ng Local Water Districts (LWDs) kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Sa pakikipagtulungan sa mga apektadong LWDs, mga lokal na pamahalaan, katuwang na ahensya ng gobyerno, at mga humanitarian organization, nagsagawa ang LWUA ng iba’t ibang hakbang para sa business continuity, emergency repairs, resource mobilization, at inter-water district assistance upang mabawasan ang epekto ng kalamidad sa serbisyo ng tubig.

Photo from LWUA

Ayon sa LWUA, walong water district na ang ganap na nakabalik sa operasyon habang tatlo pa ang patuloy na humaharap sa isyu ng sirang imprastraktura, kakulangan sa suplay ng kuryente, at sa paghahatid ng serbisyo.

Patuloy din na isinasagawa ang restoration works, water supply augmentation, at iba pang emergency response measures upang matiyak ang ligtas at malinis na suplay ng tubig para sa mga apektadong komunidad.

Photo from LWUA

Sinabi ng ahensya na nananatili itong nakikipag-ugnayan sa mga water district at iba pang stakeholder sa rehiyon upang agad na matugunan ang mga pangangailangan sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Bilang bahagi ng agarang pagtugon, nag-alok ang LWUA ng deployment ng Atmospheric Water Generators (AWGs) at Mobile Water Treatment Plants (MWTPs) para sa Glan Water District at Maasim Water District.

Hinihintay naman ng LWUA ang kumpletong kahilingan at kinakailangang dokumentasyon mula sa mga apektadong water district upang mapabilis ang pagproseso ng tulong at iba pang suporta.

Sa ngayon, sinimulan na ng LWUA ang paunang pagsusuri para sa posibleng pagkakaloob ng financial assistance at iba pang institutional support sa mga naapektuhang water district.

Ayon sa ahensya, ibabatay ang lawak at uri ng tulong sa mga damage assessment report, cost estimates, at iba pang kaukulang dokumentong isusumite ng bawat distrito.

Layunin ng inisyatibang ito na mapabilis ang pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad, maibalik agad ang serbisyo ng tubig, at mapalakas ang katatagan ng mga water system laban sa mga susunod na kalamidad.

Samantala, upang higit na masuportahan ang recovery efforts ng Maasim Water District, nagsimula ang LWUA ng partial takeover sa policy-making at governance functions ng distrito.

Photo from LWUA

Ito ay upang mapalakas ang institutional oversight at mapahusay ang koordinasyon sa pagitan ng LWUA at ng naturang water district para sa mas mabilis na pagpapatupad ng programa sa rehabilitasyon at pagbangon mula sa epekto ng lindol. – VC