
Ikinatuwa ng Mayors for Good Governance (M4GG) ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaas sa P57 bilyon ang pondo para sa Local Government Support Fund (LGSF) ngayong 2026.
Kasalukuyang convenors ng M4GG sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasig City Mayor Vico Sotto, at Isabela City Mayor Sitti Hataman.
Sa isang pahayag, kinilala ng mga alkalde ang dagdag pondo ng LGSF ngayong taon, mula P22 bilyon noong 2025, bilang pagpapatibay sa mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan.
Ayon sa grupo, ang bagong pondo ay magbibigay-daan upang mas mapabilis at mas epektibo ang pagpapatupad ng mga programa na direktang tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
Suportado rin ng M4GG ang pag-download ng pondo sa mga LGU para sa pagtatayo ng mga school building sa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program Act, sa pagitan ng LGUs at ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa grupo, ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga LGU na direktang magpatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura sa edukasyon ay makatutulong upang matiyak na ang mga pasilidad ay naaayon sa aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.
Ipinangako naman ng M4GG na pangangasiwaan nang maingat ang pondo para sa kapakinabangan ng kanilang nasasakupan.
Handa rin silang makipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang matiyak na ang 2026 LGSF ay maghahatid ng konkretong resulta sa mga komunidad. – VC











