IBCTV13
www.ibctv13.com

Mabagal na inflation noong Hulyo, bunsod ng mas pinababang gastusin sa transportasyon, mas magandang kondisyon ng mga suplay – DEPDev

Michael Peronce
101
Views

[post_view_count]

Inflation for the month of July eased to 6.2%, down from the 6.4% recorded in the previous month. (IBC File Photo)

Bumagal sa 6.2% ang naitalang headline inflation para sa buwan ng Hulyo na iniugnay sa pagbaba ng gastusin sa transportasyon at mas pinatatag na suplay na nakatulong sa paghupa ng presyo, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).

Batay sa Consumer Price Index (CPI) report na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Miyerkules, Agosto 5, umabot sa 5.0% ang year-to-date average na inflation rate sa bansa. 

Ang pagbagal ng inflation ay resulta ng bumabang transport inflation patungong 11.9% noong Hulyo mula sa 12.8% nitong Hunyo kasunod ng bawas-presyo sa produktong petrolyo at mas pinabuting kondisyon ng suplay. 

Pagdating naman sa food inflation, nanatili itong matatag sa 5.3%, kung saan nakatulong ang mas pinababang presyo sa karne at mas mabagal na pag-akyat ng presyo ng gulay para mabawasan ang posibleng epekto ng tumaas na presyo ng bigas. 

“Every peso saved from slower price increases means more room for the family budget for food, transport, education and other essential needs. While challenges remain, particularly in managing food price pressures, these results show that our interventions are making a difference in easing the impact on Filipino households, ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan. 

Patuloy namang ipatutupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee ang targeted interventions para maprotektahan ang mga vulnerable sector alinsunod sa binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). 

Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagbibigay ng assistance sa sektor ng transportasyon tulad ng Fuel Subsidy Program, kung saan umabot na sa P2.09 bilyon mula sa kabuuang P2.5-B pondo ang naipamahagi sa 498,570 public utility vehicles (PUVs). 

Aabot naman sa P356.1 milyon na fuel assistance ang naipagkaloob sa 89,551 PUV drivers sa ilalim ng P10 kada litro na fuel subsidy.

Sa seguridad sa pagkain at domestikong food supply chains, target ng Department of Agriculture (DA) na makumpleto ang pamamahagi ng 380 mechanical drying systems sa 2027 na inaasahang tutulong sa paglikha ng dekalidad na bigas, mas pinatatag na suplay habang pinapataas ang kita ng mga magsasaka. 

Kasabay na isinasagawa ng DA ang pagpapakalat ng mga buto at pataba sa rice-growing areas sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, habang patuloy na sinusuportahan ang mga apektado ng tagtuyot. – VC