
Sisikapin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mapababa ang presyo ng mabilis at maasahang internet connection sa ilalim ng pamumuno ng bagong kalihim na si Secretary Robert Joseph de Claro.
Pormal na umupo sa pwesto si de Claro matapos ang turnover ceremony mula kay outgoing Secretary Henry Aguda sa DICT Headquarters sa Quezon City ngayong Lunes, Oktubre 19.
Sa kanyang unang flag ceremony bilang bagong kalihim, binigyang-diin ni de Claro ang pangangailangang pagbutihin ang kalidad ng internet sa bansa at tiyaking makatarungan ang halagang binabayaran ng mga Pilipino para sa serbisyo.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin mapababa ang presyo ng internet, mapa-improve ang serbisyo ng telco sa ating mamamayan. The Filipinos deserve better service, dapat masulit ang bawat pisong ginagastos ng ating mamamayan sa internet,” ani kalihim.
Bilang bahagi ng hakbang na ito, sinabi ng kalihim na kailangang bawasan ang red tape at pasimplehin ang proseso ng pagkuha ng mga lisensya para sa mga internet service provider (ISP).
Layunin nitong mapadali ang pagpasok at ang operasyon ng mga provider habang tinitiyak na naibibigay sa mga mamimili ang kalidad na serbisyo.
Binigyang-diin din ni de Claro ang pangangailangan ng mga pagbabago sa organisasyon ng DICT upang mas epektibong maisakatuparan ng ahensya ang mga mandato nito.
Inilarawan niya ang DICT bilang isang “lighthouse” o gabay ng mga ahensya ng pamahalaan at mga government-owned and controlled corporation (GOCC) sa paggamit ng teknolohiya upang mapabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng publiko.
Alinsunod ang mga hakbang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin at pagbutihin ang konektibidad sa buong bansa, upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa internet. – VC











