
Wala pang isang taon magmula nang matupok ng apoy, muling bumalik si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa San Francisco High School (SFHS) sa Quezon City, upang saksihan ang bagong ayos na Dao Building na nasunog noong Hunyo 2025.
Ganap nang nakumpleto ang konstruksyon ng bagong apat na palapag na Dao Building at ang Henry Sy Sr. Hall na may pinagsamang 60 silid-aralan.
Personal na pinangunahan ng Pangulo ang inspeksyon ng mga bagong gusali ngayong Miyerkules, Hunyo 10, kung saan labis niyang ikinatuwa ang mabilis na pagkumpleto ng konstruksyon na umabot lamang ng walong buwan mula sa planong 12 buwan.
“I’m very, very happy to have come here. I’m a little bit surprised, I must say. I do not think that maybe in the last 30 years that we have seen such a building, a four-storey, 60-classroom building built in eight months,” ayon sa Pangulo.
Sa pagbubukas ng mga bagong school building, masayang ibinalita ng Pangulo na hindi na nagkakaroon ng “double-shift class” sa paaralan na malaking ginhawa para sa mga guro na maaga nang nakakauwi.
“Ang pinakamalaking bagay dito ay hindi na sila nagdo-double shift. Ang mga bata nakakauwi ng alas-3, alas-4. Ganoon din ‘yung ating mga guro na imbis na umuuwi ng alas-7, alas-8 ng gabi ay nakakauwi na sila kagaya ng normal na estudyante, which is in the afternoon,” ulat ng Pangulo.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, dekada ‘70 pa nang unang magsimula ang dating double shifting sa arawang klase sa SFHS dahil sa dami ng mga mag-aaral sa paaralan.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), at lokal na pamahalaan ng Quezon City na nagtulungan para sa mabilis na pagsasakatuparan ng proyekto.
Kasabay nito, kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang mga pasilidad bilang resulta ng sama-samang pagtatrabaho, at tamang paggamit ng pondo ng bayan upang direktang pumasok sa mga proyekto at hindi sa sariling bulsa ng iilan.
“Basta pumasok sa proyekto nang tama, ay ganito ang ating nagagawa. Patuloy nating gagawin ‘yan at patuloy natin titiyakin na ang pondo ng pamahalaan ay napupunta sa mga proyektong kagaya nito,” saad ng Pangulo.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Marcos Jr. ang pagkakaroon ng fire alarms at sprinkler system sa mga gusali upang maiwasan nang maulit ang insidente ng sunog sa paaralan.
Pinalitan ng bagong apat na palapag na Dao Building ang nasunog na istruktura ng San Francisco High School, na binubuo ng 36 na silid-aralan sa pangunguna ng DPWH.
Pinondohan naman ng kumpanyang S.M. ang Henry Sy Sr. Hall na mayroon namang kabuuang 24 na silid-aralan.
Idinisenyo rin ang mga school building para makayanan ang lindol na hanggang Magnitude 8.4.
May hindi bababa sa 6,800 mga estudyante ang mataas na paaralan, na isa sa pinakamalaking public secondary school sa buong Pilipinas. – VC











