IBCTV13
www.ibctv13.com

Magna Carta of Filipino Seafarers bill, nakatakdang lagdaan ni Pangulong Marcos Jr. sa Lunes

Ivy Padilla
906
Views

[post_view_count]

Photo by Philippine Information Agency/File

Inanunsyo ni Senate President Chiz Escudero na nakatakdang pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325 o Magna Carta of Filipino Seafarers bill sa darating na Lunes, Setyembre 23.

Sa ilalim ng panukala, ang mga Pilipinong marino ay may karapatan sa makatarungang mga tuntunin at kondisyon ng trabaho; karapatan sa self-organization at sa collective bargaining; karapatan sa edukasyon at pagsasanay; karapatan sa impormasyon; karapatan sa impormasyon ng pamilya ng isang marino o kamag-anak; at ang karapatan laban sa diskriminasyon.

Ayon kay Escudero, humigit-kumulang kalahating milyong tripulante ang tinatayang makikinabang sa oras na maisabatas ang panukala.

“They keep the world’s fleet of ships afloat. It is only proper that they are accorded all the rights and protection under the law,” saad ni Escudero.

Bukod dito, isinusulong din nito ang karapatan ng mga manlalayag sa ligtas na paglalakbay, konsultasyon, libreng legal representation, atensyong medikal, access sa komunikasyon, talaan ng trabaho o sertipiko ng trabaho, at patas na pagtrato kung sakaling magkaroon ng aksidente sa dagat.

“Tulad ng mga karaniwang empleyado ng isang kumpanya, nararapat din na malinaw at mahigpit na ipapatupad ang mga karapatan ng bawat isang manlalayag, kapitan man sila o deck hand. Kung tutuusin ay mas mabigat pa ang mga suliranin ng ating mga manlalayag at karaniwan ay nasa peligro ang kanilang mga buhay,” paglilinaw ni Escudero.

Mahigit isang dekada ang hinintay para sa tuluyang paglagda ng nasabing Magna Carta para sa Pinoy seafarers. -VC

Related Articles