
Aprubado na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 11227 o Magna Carta for Tricycle Drivers and Operators na layong isulong ang mga karapatan at benepisyo ng tricycle sector.
Sa ginanap na plenary session nitong Miyerkules, Enero 22, 180 congressmen ang nag-apruba sa nasabing panukalang batas.
Sakop nito ang pagbibigay ng mandatory SSS at PhilHealth membership, gayundin ang pagsama sa tricycle drivers at operators sa mga plano at programa ng pamahalaan.
Pinasimple rin sa ilalim ng panukala ang proseso ng pagpaparehistro at paglalabas ng Motorized Tricycle Operators Permit (MTOP) na may limang taong validity.
Sakaling lumabag ang tricycle driver, bibigyan ito ng ticket at maaaring i-impound ang unit kung sangkot sa krimen, namasada ng paso ang MTOP, walang lisensya ang driver at kung hindi na ‘road worthy’ ang pinapasadang sasakyan.
Ipinagbabawal na rin ang mga tricycle sa national highways maliban na lamang kung walang ibang transportasyon sa ruta. – AL