IBCTV13
www.ibctv13.com

Mahigit 40 na tip sa kinaroroonan ni Atong Ang, natanggap ng PNP-CIDG

Kristel Isidro
88
Views

[post_view_count]

Gaming tycoon Atong Ang. (Photo courtesy of PNA)

Umabot na sa mahigit 40 na tip ang natanggap ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng paghahanap sa negosyanteng si Atong Ang, kasunod ng paglulunsad ng hotlines at pag-alok ng P10 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito.

Ayon sa CIDG, 14 na lokasyon na ang kanilang napuntahan batay sa mga natanggap na impormasyon.

Kabilang sa mga sinuyod na lugar ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at Bicol Region.

Gayunpaman, bigo pa rin ang mga awtoridad na matunton si Ang, na pinaniniwalaang nakapaghanda na sa posibleng pag-aresto sa kaniya.

Ayon kay CIDG-NCR Chief Col. John Guiagui, nang pasukin ng mga awtoridad ang isa sa mga tirahan ni Ang sa Bonifacio Global City (BGC), tila batid na nito ang pagdating ng mga awtoridad dahil pinabuksan umano ni Ang ang lahat ng digital locks.

Samantala, kinumpirma rin ng CIDG na wala pa silang natatanggap na anumang ulat o sighting na si Ang ay nasa Cambodia, kaya’t patuloy ang masinsinang operasyon sa kinaroroonan nito sa loob ng bansa.

Dahil halos tatlong linggo nang tinutugis ang negosyante, iniutos na rin ni Acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang imbestigasyon sa mga indibidwal na posibleng tumutulong o nagkukubli kay Ang.

Kabilang sa iniimbestigahan ang ilang pulis, at kung mapatutunayang may kinalaman, maaari silang maharap sa mga kaukulang kaso gaya ng obstruction of justice.

Kaugnay naman ng isa pang baril na hindi pa isinusuko ni Ang at sinasabing nawawala, inaalam na ng PNP kung naihain ang mga kinakailangang legal na dokumento ukol dito.

Habang hindi pa nakukumpirma kung nakalabas na ng bansa ang negosyante, nananatiling kumpiyansa ang pambansang pulisya na mahuhuli rin si Ang sa lalong madaling panahon. (Ulat mula kay Harley Valbuena) – VC