Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) na mas paigtingin ang pagpapatupad sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act upang mawakasan ang ‘smuggling’ sa mga produktong pang-agrikultura sa bansa.
Ito’y kasunod ng kanyang pag-inspeksyon sa P178.5-milyong halaga ng imported frozen mackerel mula China sa Tondo, Manila ngayong Sabado, Disyembre 14.
Ayon sa punong ehekutibo, ang mga naturang smuggled mackerel ang unang kaso sa ilalim ng bagong Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
“At ito’y, as I said, is the first case under the new law of the Anti-Agricultural Sabotage Act. So, I’ve spoken to our Bureau of Customs, and I’ve spoken to the Department of Agriculture and we have to keep going. Kailangang patibayin pa natin ito,” ani Pangulong Marcos Jr.
Binigyang-diin nito ang pangangailangan para sa mas mahigpit na hakbang kontra smugglers na nakakaapekto aniya sa supply chain at nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultura sa lokal na merkado.
“Kaya’t ito ‘yung buong tinatawag na chain na kailangan nating buwagin,” saad ng Pangulo.
Sa ulat ng mga awtoridad, dumating ang 58,800 kahon ng smuggled mackerel sa Manila International Container Port (MICP) noong Setyembre 28-29 na napag-alamang lumabag sa DA Memorandum Order No. 14, s. 2024.
Nang suriin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), lumabas sa laboratory result na ligtas itong kainin ng mga tao.
Dahil dito, ipinag-utos agad ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng mga isda sa mga mahihirap na barangay sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila, gayundin sa Bulacan at Cavite.
Kabilang sa mga mabibigyan ng frozen mackerel ang mga pamilyang nasa evacuation centers na naapektuhan ng mga nakaraang sakuna sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aabot na sa P5.87-bilyong halaga ng mga smuggled agricultural products ang nasabat ng BOC mula Hulyo 2022 hanggang Nobyembre 2024 kung saan nakapagsampa na sila ng kabuuang 250 mga kaso. – IP