
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mahigpit na pagbabantay laban sa kumakalat na Nipah virus at iba pang nakahahawang sakit upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing ngayong araw, Enero 29, sinabi ni PCO Usec. at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy ang masusing pagmamanman ng Department of Health (DOH), partikular ng Bureau of Quarantine, matapos maiulat ang muling pagkakatala ng Nipah virus sa ibang bansa.
Aniya, iniayon ng DOH ang mga health protocol nito sa pinakahuling mga abiso ng World Health Organization (WHO), kung saan bahagi nito ang pagpapaigting sa screening sa mga paliparan sa pamamagitan ng on-arrival thermal scanning, masusing obserbasyon, at mahigpit na pagsusuri ng online health declarations.
Kasabay nito ang pagpapalakas sa information campaign, upang mapataas ang kaalaman ng publiko sa mga sintomas nito gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, at hirap sa paghinga.
Ayon sa mga health official, ang Nipah virus ay maaaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga infected na hayop tulad ng paniki at baboy, maging sa pagkain ng kontaminadong prutas, na naipapasa rin mula tao sa tao.
Batay sa datos ng WHO, ang infection ng nasabing virus ay isang zoonotic disease na maaaring magdulot ng iba’t-ibang antas ng karamdaman, mula sa walang sintomas hanggang sa matinding sakit sa paghinga at nakamamatay na encephalitis.
Bagama’t iilan pa lamang ang naitalang outbreak nito sa Asya, maaaring magdulot ang virus ng malubhang sakit sa mga hayop, na magreresulta ng malaking pagkalugi sa sektor ng kabuhayan. – VC











