
Mas maraming low-income households pa ang makikinabang sa mas mababang singil sa kuryente habang pinalalawak at pinapasimple ng Department of Energy (DOE) ang access sa Lifeline Rate Program.
Matatandaan sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin pa ang subsidiya sa kuryente sa mas maraming konsyumer bukod sa kasalukuyang saklaw na benepisyaryo mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, gagamitin ang automated data validation mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hindi na kailanganin ng 4Ps households ang personal na pagsusumite ng dokumento.
Para naman sa non-4Ps households, magsasagawa ng field validation ang mga social worker upang tiyakin ang eligibility.
Kasabay nito, nirerebyu ang minimum electricity consumption threshold sa ilalim ng Lifeline Rate para mas maraming household ang makapasok, habang tinitiyak ang pangmatagalang sustainability ng programa.
Nakikipagtulungan din ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa public consultations ng draft Lifeline Subsidy Rules, na naglalayong magkaroon ng parehong subsidiya at lifeline charge para sa lahat ng marginalized end-users.
Sinisiguro ni Secretary Garin na mabilis ang access sa subsidiya para sa mga nangangailangan alinsunod sa utos ng Pangulo.
“Our priority is to ensure that those who need the subsidy most can access it easily, without lengthy procedures or excessive documentary requirements. The DOE is fully aligned with the President’s directive, and we are working closely with our partners so that no qualified household is left out,” ani Garin.
Maglalabas ang ahensya ng karagdagang guidelines at mekanismo sa implementasyon ng programa pagkatapos ng consultation at system alignment. –VC











